Maiksing Tala Ukol sa Ilang Popular na Teleserye sa Pilipinas

KalyeSerye (Eat Bulaga, GMA 7)

Kung istorya ang pag-uusapan, hindi ko na alam kung anong direksyon ang gustong tahakin ng KalyeSerye at/o ng mga lumikha nito. Kung parang kalsada ng bitukang-manok sa Atimonan, Quezon ang direksyong binabagtas ng KalyeSerye at kung hindi magiging maingat ang nagmamaniobra nito, baka bumulusok tayo sa matarik, masukal, at mapanganib na bangin. Sa ngayon, wala pang masasabing mahalagang pag-usad sa kwento ng KalyeSerye maliban sa tila umuusbong na pagtitinginan nina Alden Richards at Maine Mendoza (na makikita sa nakaraang mga palitan nila ng tula). Kung ang isa sa mga layunin ng KalyeSerye ay ang lalong pagpapalabo at pagpapadilim sa linyang nagbubukod sa kathang-isip (ALDUB) at sa tunay na buhay (MAICHARD) at kung ang mismong manunulat ng KalyeSerye ay nalilito na rin sa kung ano ang pang-TV at alin ang pribado, maaaring nagtatagumpay sila sa pagtupad ng layuning ito. Tanong lang: Umaasa na lamang ba sa mga tunay na nararamdaman (kung anuman ‘yon) ng popular na love team na ALDUB ang mga lumikha ng KalyeSerye para masabing may pag-unlad na nagaganap sa daloy ng kwento nito?

Pangako Sa ‘Yo (ABS-CBN 2)

Kung ang KalyeSerye ay tila dumadaan sa pakiwal-kiwal na kalsada, ang Pangako Sa ‘Yo naman ay naroon na sa dulo ng bangin, at walang nakatitiyak kung may nakaligtas. Tila may pagkaburara at iresponsable ang mga lumikha ng teledaramang ito. Mistulang minadali at tinipid ang mga huling episodes nito, lalo na ‘yung mga ipinalabas nitong nakaraang dalawang linggo. Masyadong umasa sa deus ex machina ang nagdibuho ng teledramang ito–ang pagkakadiskubre sa nawawalang pendant ni Yna sa inihaw na tambakol na inorder nila sa isang restawran, ang pagkakadiskubre ni Amor sa kaputol ng pendant ng kwintas na ibinigay sa kanya ni Eduardo na nagkataong suot ng alaherang isang beses lang nakita sa buong panahong umeere ang Pangako Sa ‘Yo, at iba pang mga eksenang ayoko nang maalala. Tila di naiwasang maisakripisyo ang maayos sanang daloy ng kwento. Kung sakali, mas naging masinsin sana ang execution sa bawat eksena (ilaw, blocking/staging, etc.) at nakapaghain siguro ng mahusay at di-malilimutang finale ang mga gumawa ng Pangako Sa ‘Yo. Ang sana ay pasabob na huling gabi ng Pangako Sa ‘Yo ay mukhang kinulang sa pulbura. Gayonman, mahusay at tila gawang pampelikula ang atake sa unang dalawang linggo ng Pangako Sa ‘Yo–sana lang ay nagtuloy-tuloy.

On the Wings of Love (ABS-CBN 2)

May mali ba sa pagtulong sa pamilya? Wala. Kinailangang mangibang-bansa ni Leah para matustusan ang pangagailangan ng amang inoperahan sa puso. Kinailangang manatili ni Clark sa Pilipinas para maitaguyod ang kanyang pamilya at masuportahan ang mga kapatid na nag-aaral na sa kolehiyo. Parehong tama ang kanilang mga desisyon–pero bakit pareho silang nasasaktan? Mali bang ipagpatuloy pa nila ang kanilang relasyon? Hindi. Pero bakit hindi pwedeng maging sila pa rin? Bakit kailangang ang relasyon ay magwakas at mauwi ang kasal sa kalas? ‘Yan ang ilan sa mga bagay na nagustuhan ko sa OTWOL. Bukod sa kakayahan ng mga direktor nito na pigain nang husto ang acting skills ng mga bida (JaDine), nagawa rin nitong pigain pa ang ating mga pinaniniwalaang tama (o mali) sa buhay-pamilya at buhay-pag-ibig–na tila ba sa ngalan ng pamilya at pag-ibig ay walang tama o mali, pero anuman ang maging desisyon mo, mayroong masasaktan. Bukod sa pag-ibig, ginalugad din ng teleseryeng ito ang iba pang temang tulad ng pagpapatawad–halimbawa, ang pagpapatawad ni Sol sa asawang nagpanggap na patay, si Rona, at ang pagpapatawad ni Tiffany sa dating kasintahang nag-abandona sa kanya at sa kanilang anak. Kung paano magtatapos ang teleseryeng ito, hindi ko alam. Sa ngayon, umaasa akong hindi mamadaliin at hindi magiging burara ang pagkakahabi ng mga natitirang episodes nito.

 

ALDUBriela’s Report on Cyber-VAWC

“When we formed the ALDUBriela in September 2015, we had a very simple goal–to protect and defend ALDUB and the ALDUB Nation. To achieve this goal, we formed a subgroup known as the Guardians, whose task is to call for a massive report-and-block action against identified bashers, cyber bullies, and perpetrators of cyber violence. In addition, we also set up the Resource Team whose main duty is to gather information and provide research on various women’s issues like sexism, sexual objectification, and internet harassment. The third arm of the ALDUBriela is the Acticom, whose job is to conceive creative and exciting activities that would motivate fans/netizens to maintain ALDUB’s powerful presence on social media.

This report will mainly focus on the experience ALDUBriela had in terms of defending ALDUB against bashing and sexual harassment.” (Read more…)