Maine Mendoza and Precarity

dearmeng-tfs

Dama namin ang anxiety na dulot ng kawalang-kasiguruhan at kawalang-pagpipilian. Dama yan ng maraming kabataang hindi pinalad na makatapos ng pag-aaral at ng mga kabataang nakatapos nga ay wala namang mapasukang trabaho. Marami sa mga kabataan ngayon kundi unemployed ay underemployed–napipilitang tumanggap ng trabahong hindi akma sa kanilang tinatapos na kurso, sa kanilang expertise, dahil sabi nila, “wag daw choosy.”

Kaya naman ang iyong kwento ay larawan ng precarity na siyang karaniwan at kapansin-pansin sa henerasyong ito. Oo’t nagmula ka sa relatibong pribilehiyadong pamilya–panggitnang-uri (o pambansang burgesya?) kung tawagin, pero hindi ito agad nangangahulugang ligtas sa epekto ng kasalukuyan krisis pang-ekonomya’t panlipunan. Kaya kung matatandaan mo (o ng bumabasa nito), ipinaglaban at ikinampanya namin sa social media na mabigyan ka ng mas maraming proyektong nararapat sa iyong galing at talento, ipinaglaban at ikinampanya naming magkaroon ka ng kasiguruhan sa trabaho, sa industriyang napili mong pasukin.

At ngayon, pagkatapos ng kulang-kulang anim na buwan, ikaw–ang iyong husay, talino, talento, at inspirasyon–ay kuminang nang husto at tanging mga bulag (o ang mga nagbubulag-bulagan) ang hindi makakapansin nito.

Tao kang tulad namin–nangangarap, nabibigo, nagmamahal, nasasaktan. Hindi ka nahihiyang ipakita sa amin ang amin/ating kolektibong karanasan. Kung hindi simplipikasyon, maaaring ikaw ang hyperbole ng aming mga kalabisan at kakulangan. Sa huli, ikaw ay si Meng na sa kabila ng karangyaan at kasikatan ay nanatiling simple.

Hindi mo kailangang maging perpekto, Meng. Tulad ni Ate Guy, kahit ano pang award ang ibigay sa ‘yo, ikaw ay lilibakin, pagtatawanan, at pagtataasan ng kilay. Pero ito ang tiyak–hindi kami mawawala at patuloy kang gagaling sa pinili mong sining.

@thefilipinospec

Leave a comment