Tatlong Lumad, Tatlong Sulok

john paul

John Paul

Sa edad na labing-dalawang taong gulang, alam na ni John Paul kung ano ang gusto niyang gawin sa buhay–ang maging visual artist. Sabi ng mga naroon sa kampuhan ng mga Lumad sa Baclaran, mahusay raw magdibuho si John Paul. Kwento naman ni John Paul, araw-araw daw siyang nagpapraktis para maging mas mahusay pa sa pagguhit at balang-araw ay maging kilalang artist. Pero dahil sinunog ang kanilang eskwelahan at pinatay ang kanilang guro ng mga paramilitar, at hanggat hindi pa napapanagot ang mga maysala, hanggat pinaliligiran ng mga pwersa ng Hukbong Sandatahan ng Pilipinas ang kanilang lugar, mukhang mauudlot ang pangarap ni John Paul.

L (3)

Datu Gregorio

Siya na yata ang pinaka astig na taong nakilala ko (o nakita, dahil hindi ko naman siya nakausap, madaming nagpapapiktyur sa kanya). Isa siyang datu–magiting na lider ng mga Lumad. At napakahusay niyang tumugtog! Ang kanyang musika ay parang energy drink sa daluyan ng dugo ng mga nakikinig sa kanya. Nakagiginhawang haplos sa nahahapong katawan ang kanyang tugtog. Buhay na alamat, buhay na tagabitbit ng mayamang kulturang Lumad si Datu Gregorio. Pero hanggat nagpapatuloy ang pagmimina at militarisasyon sa kanilang lugar, siya at ang kanyang musika ay mananatiling bulnerable sa pagkawala.

L (17) cropped

Michelle

Labimpitong gulang pa lamang si Michelle, teenager, pero parang tatlumpu na siya kung magsalita–mahusay na lider, mahusay na tagapagsalita. Hindi ko na kailanman makikilala ang kanyang amang si Dionel pagkat pinaslang na ito ng mga paramilitar sa harap mismo ng kanyang pamilya at ng buong komunidad, pero parang buhay na buhay kay Michelle ang kanyang halimbawa.

Sa dami ng nabasa at napanood ko tungkol kay Michelle, pakiramdam ko’y matagal ko na siyang kilala. Kaya nang sa wakas ay makita ko siya nang personal, di ko napigilan ang sariling yakapin siya at sabihing, “Maging matatag kayo. Nandito lang kami,” sabay abot ng sulat na ginawa ko para sa kanya.

Sa sulat na ito, sinabi ko: “Sabi nila, ang lipunan ay parang tatsulok. Darating ang panahon na ang tatsulok na ito ay magkakasama nating babaliktarin.”

Leave a comment