ALDUB Nation, Lumad Nation

Mapalad ang mga taga-ALDUB Nation pagkat sa huling gabi nila dito sa Maynila ay nakasama natin ang mga katutubong Lumad. Halos 700 silang pansamantalang nagbakwit sa compound ng Redemptorist Church sa Baclaran, mula sa limang malalaking rehiyon sa Mindanao.

Nagkaroon ng simpleng programa para sa mga naroon, tampok ang iba’t ibang kultural na pagtatanghal mula sa mga kabataang Lumad, sa isa sa mga pinuno nilang si Datu Gregorio, sa mga kasapi ng Kilometer 64, at sa mga taga-ALDUB Nation (@MaineAlden16). Nagpahayag din ng kanilang pasasalamat ang mga taga-ALDUB for LUMAD (@aldubforlumad), #LumadDinAko Network, at Filipino Cultural Creatives.

L (1)
ALDUB para sa Lumad. Mga kasapi at kinatawan ng #LumadDinAko Network, ALDUB for LUMAD at ng ALDUB/MAIDEN Nation Cavite & Taguig Chapters, kasama ang kabataang lider-Lumad na si Michelle Campos

Para sa akin, makasaysayang gabi ito para sa ALDUB Nation. Buhay na patunay ito na ang mga tagahanga nina Maine Mendoza at Alden Richards ay mulat sa mga mahahalagang pangyayari sa kontemporanyong lipunang Pilipino at sila ay handang tumugon sa hamon ng kasalukuyang panahon. Hindi mababago ng mga donasyong libro, art supplies, at biskwit ang sitwasyon ng mga Lumad, ngunit makakatulong ito sa pagpapatibay ng ugnayan ng ALDUB Nation at Lumad Nation.

L (2)
Pabebe Wave. Mga kasapi ng Cavite, Palawan, & Taguig Chapters ng ALDUB/MAIDEN Nation, masayang nag-‘pabebe wave’ kasama ang mga kabataang Lumad sa Baclaran Church kagabi

Lalong akong bumilib sa mga tagahanga at tagasuporta ng ALDUB. Katumbas ng paghanga ko kina Maine Mendoza at Alden Richards ang paghangang nararamdaman ko sa mga miyembro at kaugnay ng ALDUB Nation. Di ko malilimutan ang sinabi ng kinatawan ng ALDUB/MAIDEN Nation sa kanyang talumpati: “Hindi rito natatapos [ang aming pagtulong/pagsuporta sa mga Lumad], tuloy-tuloy na ito.” Nakakahanga at nakakaantig ang ALDUB Nation pagkat masigasig nilang ipinapakita sa lahat na ang pagiging “dakilang tagahanga” ay hindi de-kahon. Oo, histerikal tayong tumitili sa tuwing masisilayan ang mga artistang pinili nating hangaan, ngunit kalmado at matapang tayong nakikipagkapit-bisig sa mga maituturing na ‘isinantabi’ ng lipunan sa pag-asang mabibigyan natin sila ng lakas na ipagpatuloy pa ang kanilang laban.

Mabuhay ang ALDUB Nation sa pagdepensa sa Lumad Nation!

L (16)
Sertipiko ng Pagpapahalaga. Tumanggap ng sertipiko ang ALDUB Nation mula sa mga Lumad, simple ngunit makabuluhang simbolo ng pasasalamat at pagpapahalaga.

Leave a comment