ALDUB Nation: Pagkatapos nating makalikom ng 12.1 milyong tweets, ano na?

Hindi biro ang makalikom ng 12.1 milyong tweets na may katagang #ALDUBMostAwaitedDate. Malaking tagumpay natin itong maituturing. Ito ay resulta ng pinagsama-samang lakas nating mga taga-ALDUB Nation. Malinaw na indikasyon ito masidhing pagmamahal at pagsuporta natin sa ALDUB, sa KalyeSerye, at sa Eat Bulaga. Sagisag din ito ng pagmamahal at pagsuporta natin sa isa’t isa. Bagamat hindi tayo magkakakilala at magkakaiba ang ating pinagmulan, nagbuklod tayo para sa isang pangunahing layunin–ang matiyak na permanenteng maisesemento sa kasaysayan ang tambalang ALDUB at ang insipirasyong naibibigay nila sa mga karaniwang taong gaya natin.

Bawat tweet ay parang butil ng semento at bato, na kapag hinaluan ng pagmamahal at pagsisikap, ang resulta’y monumento. At sa metaporikal na monumentong iyan, matagumpay nating nailuklok sina Alden Richards at Maine Mendoza. Bukod dito, inaani nila ngayon ang iba’t ibang pagkilala sa pamamagitan ng sari-saring proyektong pang-TV, pampelikula, at pangkomersyo, na natatanggap nila. Sa pamamagitan ng pagkakaisa natin, natulungan natin sina Alden at Maine na matiyak na hindi lang natin sila sa KalyeSerye mapapanood, kundi sa mga patalastas-pantelebisyon at sa pinilakang-tabing (at sa susunod na taon, sa sarili nilang teleserye).

Kung gayon, dapat na ba tayong maging kampante?

Bagamat walang kumpirmasyon mula sa alinmang kampo, usap-usapang tinangka raw ng kabila na makuha sina Alden Richards at Maine Mendoza mula sa estasyong nagbigay sa kanila ng unang pagkakataon. Pero tinanggihan nila ito. Totoo man ito o hindi, hindi na ito nakakagulat pagkat karaniwang bahagi ito ng lumang kalakaran sa showbiz. Totoo man ito o hindi, hindi ba’t nakakatuwang malaman na hindi nagpalansi ang mga iniidolo nating artista sa sinasabing alok ng kabila? Ibig sabihin, minamahalaga nila ang anumang pagkakataong mayroon sila ngayon–pagkakataong tayo, ang masa, ang nagbigay.

Gaya ng nasabi na, hindi na nakakagulat kung mayroon ngang ganoong aksyon mula sa ating kapitbahay. Naging masugid din ang kanilang mga tagasunod sa pambabato ng putik sa bagong tambalang pinili nating pag-alayan ng oras at pagmamahal. Kung tutuusin, nakakalungkot mang isipin, ang demolition job laban kina Alden at Maine, ay normal na bahagi ng showbiz (“It comes with the territory,” ika nga). Kalimitang nangyayari ito lalo na kung malaking puhunan ang nakataya at malaking kita ang mawawala. Gayonman, hanggat mas matibay pa sa kongkreto ang ating samahan, hindi tayo dapat mabahala. Magtiwala tayong hindi kakagat sa anumang tangkang paninira sina Alden at Maine. Katulad nila, magtiwala rin tayong hindi kakagat sa pain ng mga grupong may-ugnay sa kabila, ang sinuman sa atin.

Bilang kapalit ng saya at inspirasyon na naibibigay sa atin ng ALDUB at ng KalyeSerye ng Eat Bulaga, naging masigasig tayo sa pagpapanatili ng ating presensya sa social media, lalo na sa uniberso ng Twitter. Araw-araw nating iniluluklok sa pangunahing pwesto ang itinakdang hashtag bilang pagsuporta. Tila minamani lang natin ang isang milyong tweets kada araw. Naging posible ito dahil sa pagtutulungan ng mga narito sa Pilipinas at ng mga kababayan natin sa ibang bansa, ang mga OFW. Giniba natin ang dating rekord na tayo rin ang lumikha. Kasabay nito, pumanday tayo ng kasaysayan. Hanggang sa tila wala na tayong kalaban kundi ang sarili natin.

Kung gayon, dapat na ba tayong magpakakampante?

Sa aking palagay, mahalagang magkaroon tayo ng malinaw na layunin (goal), lalo na sa Sabado (ika-26 ng Setyembre 2015), nang sa gayon ay magkaroon ng siguradong direksyon ang ating pagpapakahalimaw sa Twitterverse. Dagdag pa, makakatulong ang pagtatakda ng layunin para ating matiyak ang longevity ng mga karera (career longevity) nina Alden Richards at Maine Mendoza. Kung mamimintina natin, halimbawa na nasa tuktok ng trend list ang itatakdang hashtag sa Sabado, at matutumbasan (kundiman, malalampasan pa) ang huling pinakamahusay na record natin, magkakaroon ng dagdag na lakas ng loob para magpatuloy pa sina Alden at Maine, at ang Eat Bulaga. Alalahanin nating sa loob ng matagal na panahon ay nahirapan ang Eat Bulaga na makipagsabayan sa kakumpitensya pagdating sa pagpapanatili ng presensya nito sa social media. Sa katunayan, ayon sa eksperto at kolumnistang si Tonyo Cruz:

“Prior to #AlDub, the popular belief is that the CDE television market – the same audience claimed by Eat Bulaga – isn’t as immersed in social media as other market segments. In fact, Eat Bulaga’s social media presence pales in comparison to those of Anne Curtis and Vice Ganda, the stars in its rival Showtime.

#AlDub set the record straight about the Internet and television viewing habits of the CDE. They are, in fact, online, and would watch and share #AlDub videos on Facebook and discuss the kalyeserye realtime on Twitter. The agencies and analysts are surely watching closely and crunching the growing numbers: Fans and viewers have easily catapulted #AlDub daily as top Twitter trend in the Philippines and worldwide.”

Subalit dahil sa masigasig na pagtataguyod natin sa ALDUB at sa ALDUB Nation, hindi lamang natin basta nailampaso ang katunggaling panoorin, napatunayan din nating kayang-kaya natin baguhin at baliktarin ang status quo.

Uulitin ko, mahalagang mahalagang matiyak at mapatunayan nating kaya nating panatilihing malakas at matatag ang ating presensya sa social media.

Sa tulong nito, masubaybayan pa natin nang mas matagal ang pagyabong at pag-usad ng karera ng mga artistang nagbigay-inspirasyon sa atin–sina Alden at Maine (hindi tulad ng ibang artista, nakakalungkot mang sabihin, na tila nilamon na ng limot).

Para sa ating mga tagasuporta, ito ay kongkretisasyon ng ating marubdob na pagmamahal at paghanga sa ALDUB at sa ALDUB Nation. Kongkretisasyon din ito ng pagkanasyon natin. Isipin nating para tayong bumubuo o nagtatatag ng bagong lipunan, bago at mas mataas na pamantayan sa panood–matalino at pro-active na panonood at pakikilahok. Lipas na ang panahong itinuturing na pasibo ang mga mamamayang kagaya natin. Ngayon ang panahon natin–ang panahong kinikilala mismo ng mga mahahalagang tao sa industriya ang ating lakas at kapangyarihan.

Bilang mga aktibo at kritikal na tagasubaybay, di tayo ignorante sa katotohanang para sa mga malalaking koporasyong-pantelebisyon, ito ay negosyo. Kung pagmamahal, pagkakaisa, at milyun-milyong tweets ang puhunan natin, milyun-milyong salapi naman ang sa kanila. Sa loob ng maikling panahon, niyanig natin ang karibal ng Eat Bulaga. Kaya hindi na tayo dapat magulat o magtaka kung magiging mas agresibo sila sa kanilang mga hakbang. Para sa kanila, negosyo ito at kung gayo’y walang personalan. Paniwalain man natin ang mga sarili nating walang kumpitensya, para sa mga matitinik na negosyanteng ito, mas matindi ang kumpitensya ngayon.

Ayon sa isang artikulo sa Malaya Business Insight:

“Somewhere from P50 million to P200 million of the P3 billion total are used to pay endorsers, depending on the number of retweets. Unless part of the package, that means additional income for the endorser which could also run into millions of pesos.”

Ibig sabihin, bawat tweet, bawat retweet, bawat quote-tweet, may katumbas na halagang pinansyal. Bawat tweet, bawat retweet, bawat quote-tweet, ay puhunan (kapital). Bawat tweet, bawat retweet, bawat quote-tweet para at tungkol sa ALDUB ay higanteng bolang pangwasak sa katunggali sa negosyo, sa perspektiba ng kabilang kampo. Sa perspektiba ng mga nangangasiwa at nakikinabang sa katanyagan ng ALDUB, ang bawat tweet, bawat retweet, at bawat quote-tweet ay higanteng pison naman na magpapatag sa tiyak na daang tatahakin nila tungo sa mas matibay at pangmatagalang karera sa showbiz, at mas malaking rebenyu.

Inuulit ko, hindi totoong “walang kumpitensya.” Sa larangan ng negosyo, laging may kumpitensya. Kontradiksyon itong nagtutulak sa magkakaibang-panig na maging mas mahusay kaysa sa isa’t isa. (Yun nga lang, mayroong mga korporasyong marumi maglaro, nangungunyapit sa bulok na sistema.)

Bilang mga aktibo at matatalinong tagasuporta, sa palagay ko, hindi natin kailangang sumawsaw pa sa maruming laro ng industriyang pinasok nating lahat–tayong mga fans, at sina Alden at Maine na hinahangaan natin. Pero mahalagang maging malinaw sa atin na malaki ang naging papel natin sa transaksyong ito na kung bansagan ng marami ay isang “pop culture phenomenon.”

Tama ang sinasabi ng marami na magpokus tayo sa pagsuporta sa mga idolo natin, sa mga artistang role model kung ating ituring. Gagawin natin ito hindi para makipagkumpitensya sa iba pang mga palabas sa telebisyon, love team, o estasyon. Gagawin natin ito dahil wala tayong ibang kakumpitensya kundi ang sarili natin. Patunayan nating hindi tayo one-hit wonder, na ang ALDUB ay hindi one-hit wonder na sa kalaunan ay lilipas din. Nagawa nating baliktarin ang estado ng mga noontime show sa Pilipinas, iahon ang ALDUB mula sa wala tungo sa nagsisimula ngunit mabungang tagumpay, napagbuklod natin ang buong mundo magkakaiba man ang oras at lokasyon, magagawa rin nating ituluy-tuloy ang labang tayo ang nagsimula. Iyan ang hamon sa atin ngayon: Hanggang kailan at hanggan saan natin kayang ituloy ang labang ito?

Kaya, tanungin natin ang mga sarili natin: Ito ba ang panahon para maging kampante?

2 thoughts on “ALDUB Nation: Pagkatapos nating makalikom ng 12.1 milyong tweets, ano na?

  1. Maraming salamat sa iyong reminder sa lahat ng miyembro ng AlDub/MaiDen nation. Ang hirap tapatan ang lalim ng tagalog mo girl di ako makacomment ng matino tuloy hahaha. Share ko nalang to sa Twitter. 🙂

    Like

  2. Leah Rabat

    Very inspiring. ALDUB is the first (and only) loveteam that switched on my fan mode, as in literally got me head-over-heels gaga for them! They truly are a fresh of breath air in the biz industry. Pure. Raw. Unadulterated. Not only I admire them, but I also, feel protective over them, like a mom to my four boys – ages 17-26. I want ALDUB’s star to shine forever. Oh, and while at it, this is also my FIRST time to comment on a BLOG. choosy lang ang peg. medyo hard to impress. hehe. But you got me, like the ALDUB! KUDOS for this brilliantly written piece! Natumbok mo ang heart plus utak ko. #ALDUB you! 👊🏼👍🏻👏🏼😊👋👋👋 ps) saved blog’s link on my phone. keep them coming! *wink!

    Like

Leave a comment